Thursday, December 26, 2024

Sulatin Blg. 4 - Kanser ng Lipunan

Credits: Cartoon by Angelo Lopez (2014)

    Kahinaan ng Pilipinas ang pag-usbong ng mga taong hatid ang mapanghamak na layunin sa kanilang kapwa. Sa pagsilang ng kasamaan na hinubog ng mga taong nasa likod ng kapangyarihang higit sa ating lahat, nananalaytay ang mga sugat na pigil ang paghilom. May mga karanasang patuloy na kumikirot sa laman ng bawat indibidwal, dala ng korapsyong nangingibabaw sa buong bansa. Mahirap patunayan ang hangganan ng isyung ito sapagkat mas lamang ang mga taong pinipiling maging kasapi nito, sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga gawaing hatid lamang ang kasiyahan sa kanilang pansariling hangarin at hindi ng para sa nasasakupan. Ang mga bagay na ito ang siyang nagpahirap at patuloy na nagpapahirap sa bawat pamilyang Pilipino. 

Sa likod ng mala-perpektong mekanismo ng korapsyon ang suporta mula sa mga personalidad na hindi mo aakalaing parte ng pagdaloy nito. Sila ang bumubuo sa mga tagong operasyon na bumubuhay at tumutugon sa pagpapatakbo ng harap-harapang panloloko sa taumbayan. Walang takas sa paghihirap ang mga taong kabilang sa laylayan, bilang sila ang pilit na kinukulong sa hawla ng mga pinagkaitang mangarap. Malaking puwang at pagkakaiba sa antas ng pamumuhay ang naghihiwalay sa mga mahihirap at mga taong nakaaangat. Maraming nasisilaw sa panandaliang kinang na hatid ng salapi, kaya naman masasabi nating sinusubok sa mundo ang integridad at katapatan ng isang tao. Sa kabila ng mga hakbang sa pagsugpo nito, nananatiling bigo ang mga mulat sa pagpapatalsik ng mga garapal na mamumuno. Mapaglaro ang tadhana para sa mga mahihirap na biktima ng malawakang pang-aabuso sa kapangyarihang nasa kamay ng mga nakatataas na uri ng tao.

Nararapat na maunawaan natin ang kahalagahan ng pagiging maalam sa kasalukuyang lagay ng lipunan. Malaking tulong sa bawat isa sa atin kung iiral ang pagkakaisa sa pagpapahayag ng mga maling nakikita sa iba’t ibang aspeto, upang muling umusbong ang pag-asa na tuluyang makakawala sa kasalukuyang sistema ng korapsyon ang ating bayan. Sa bawat hakbang, pagsubok, at pagtitiwala, manatili sana ang mga taong hindi magpapasakop o kailanman ay hindi magiging kabahagi ng mga maiitim na hangarin. Hindi man ngayon, ngunit balang araw, mapapalitan din ang mga korap na tagapaglingkod ng mga kabataang mulat at aasahang matapat na iaalay ang sarili para sa pag-unlad ng nasasakupan at ng buong bansa.

Sulatin Blg. 3 - Anak


Ang kawalan ng pagkakataon na maituwid ang mga pagkakamali ay isang sitwasyon na kinatatagpuan ng maraming anak sa isang pamilya. Dahil sa nagbabagong ‘uso’ at mga gawaing inaasahan sa isang tao, hindi maipagkakaila na madaling makisabay sa agos na nakapanglilihis ng landas ang mga kabataan. Kadalasan, kapalit ng panandaliang kasiyahan ang tuluyang pagkasira ng sarili, lalong-lalo na ng mga pangarap sa buhay. Ang klasikong kantang “Anak” ni Freddie Aguilar ay naglalarawan sa isang pamilya na minsang sinubok ng mga maling desisyon sa buhay ng kanilang anak. Binigyang diin nito na kayang maglaan ng pagmamahal, pagtanggap, at pagpapatawad ng mga magulang kasabay ng paniniwalang mababago ang nakatakda at unti-unting maitatama ang mapait na kahapon. Pinatunayan ng kantang ito na ang ating mga magulang ang nagsisilbing pundasyon ng ating sarili. Kaya naman bilang mga anak, nararapat lamang na maging responsable tayo sa ating tadhana, dahil ang pagkilala sa mga responsibilidad na ito ay kaakibat ng mapayapang buhay kasama sila.


Walang magulang ang naghahangad na malagay sa masamang karera ang kanilang anak. Sa lahat ng pagsasakripisyo, pagtitiis, at pagpapasakit nila ay nangunguna ang mga bagay na makabubuti sa atin. Sa kabila ng mga hamon sa buhay, layunin nilang ibigay ang kinabukasang angkop sa ating mga pangarap. Ang ating mga magulang ang unang nagparamdam sa atin na tayo ay mahalaga at nararapat na mahalin. Gaano man kasama ang pag-uugali ng isang anak, hinding-hindi magagawa ng isang magulang na talikuran itong tuluyan. Mahalagang maunawaan natin na wala tayo kung wala ang ating mga magulang. Ang natatangi nating sukli sa kanilang pagmamahal ay ang pagiging isang anak na may prinsipyo, isang anak na kayang kumilala ng tama at mali, at higit sa lahat ay isang anak na may pangarap din para sa kanila. Nararapat lamang na pahalagahan natin ang oras at mga pagkakataon na kasama natin sila habang ipinapadama natin kung gaano sila ka-importante sa ating buhay. Habang tayo ay umuunlad at tumatayo sa sarili nating mga paa, huwag sana natin kalimutan ang ating mga magulang na nagsilbing gabay sa malabong daan patungo sa tagumpay. 


Isang paalala sa ating lahat na ipagpasalamat ang espesyal na regalo na ating natanggap mula sa unang araw nang tayo ay isilang–sila ang ating mga magulang. Bilang isang anak, matuto sana tayong magpamalas ng pagpapahalaga hindi lamang sa mga materyal na ibinibigay nila, ngunit pati na rin sa pagmamahal na kaloob nila na hindi mahihigitan nino man. Kaya sa bawat pagkakataon, huwag tayong mahiya na magpahayag ng ating pagmamahal sa kanila. Lagi nating isaisip na malaking bahagi ng ating pagkakakilanlan ay binuo ng ating mga magulang, gamit ang diwang pinag-iisa ng pamilyang pinagtibay at hinubog ng pagmamahal.

Sulatin Blg. 2 - Kilalanin mo, Siya

Ang kamalayan at kagalingang umunawa sa murang edad ang nagtulak sa kanya na magsumikap upang makuha ang tagumpay na hinubog ng determinasyon at mga pagsubok. Namulat siya na ang buhay ay may angking pait na hatid ng mga karanasang hindi mapipigilan. Siya ay kilala bilang si Ailyn, isang manunulat na malayang naghahayag sa madla, isang ordinaryong mag-aaral na nagniningning sa piling ng mga bagay na kasiyahan ang hatid sa kanya. Siya ay labing anim na taong gulang at kasalukuyang naninirahan kasama ang kaniyang pamilya sa Pasig. Anim silang magkakapatid at siya ang pangalawang anak na babae na ipinanganak taong 2008. 


Maraming bersyon niya ang nabubuhay, habang nagkakaiba naman ang mga ito base sa lalim ng kaniyang ugnayan sa isang tao. May angking husay siya sa pagsulat, bagay na kaniyang ipinagpapasalamat dahil ito ang nakapagpapagaan sa kaniyang maramdaming puso, at nagsisilbing hantungan sa pagkakataong nag-iisa. Bukod dito, hilig niya rin ang pagbabasa ng mga libro na humahaplos sa puso at pumupukaw sa makabagong ideya na nagpapaunlad sa kaniyang pang-unawa at kaalaman. Napili niyang sumugal sa akademikong strand na STEM, kung saan sinubok ang kaniyang katatagan bilang isang mag-aaral. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya batid kung ano ang nais niya marating, kung anong propesyon ang makapagpapasaya sa kaniya sa habang buhay. Bagamat may mga pinagpipilian, pinangungunahan siya ng takot at pangamba sa kaniyang magiging desisyon. Sa ngayon, higit niyang pinahahalagahan ang paghahanda sa kaniyang pagsabak sa patimpalak ng journalism. Naniniwala siya na kahit masukal ang daan patungo sa hardin kung saan abot-kamay ang ginhawa at pagpapala–walang makapipigil sa umaapoy at lumalabang diwa dahil hindi siya susuko. Natitiyak niya na ano man ang mapili niyang kurso sa kolehiyo ay buong loob niyang iaalay ang sarili upang makapagtapos ng pag-aaral para maisakatuparan ang mga layuning napag-isipan na susundin sa pagdaan ng panahon.


Gaya ng iba, nangangarap siyang makawala sa mahigpit na pagkakagapos mula sa kadenang dugtong ang kahirapan. Gamit ang karunungan at kaalaman sa buhay, umaasa siyang makakamit niya unti-unti ang mga layunin na nagsisilbi niyang inspirasyon upang magpatuloy. Hangad niyang maging produktibong kabahagi ng lipunan na mas pagtitibayin pa lalo ng pagsisikap at pagtitiyaga. Kasabay ng mga ito ang pagtuklas sa iba pang sangay ng pag-aaral na makatutulong sa kaniyang pag-unlad bilang tao. Kaya naman, tunghayan natin ang kaniyang mga pagkatuto dahil nagsisimula pa lamang ang buhay para sa kaniya.

Wednesday, December 4, 2024

Sulatin Blg. 1 - Para sa Sarili, Para sa Pamilya



Isa sa mga pangarap ko sa buhay ang makatapos ng aking pag-aaral. Bukod sa pansariling kapakanan, higit na mapapabuti nito ang pinansyal na kalagayan ng aming pamilya. Dangal at kaunlaran ang hangad kong ihandog sa aking mga magulang bilang isang tao na may tiyak na kinabukasan, isang anak na kayang sumuporta, at magbigay ng maginhawang buhay para sa kanila. Noon pa man, iniisip ko na kung gaano kagaan sa pakiramdam ang isang araw na hindi problema ang pera. Sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti, naniniwala akong makakamit ko rin ang mga hangarin ko sa buhay.


Inspirasyon ko na magpatuloy at magsumikap hanggang sa matamo ang tagumpay ang aking mga magulang. Walang araw na hindi ko naisip kung gaano kahirap ang buhay kung wala sila sa tabi ko ngayon. Kasabay ng pag-unlad ng aking kaalaman at pagtugon ko bilang kabahagi ng lipunan, higit kong pinahahalagahan ang pagsasakripisyo, pagsisikap, at pagmamahal na buong ipinagkaloob nila sa akin. Sa bawat patak ng pawis, sa bawat kirot ng kasukasuan, sa bawat hinaing na masakit ang katawan, mananatili akong pursigido upang masuklian ang lahat ng pagtitiis at mga pinalipas na oportunidad para sa sariling kasiyahan. Tanging edukasyon ang makapagbabago sa ihip ng hangin upang tuluyan kong maabot ang mataas na antas ng pamumuhay. Kaya naman, sa kahit anong hamon ng buhay ay hindi ako padadaig. Walang makatitibag sa diwa ng isang taong handang magpakasakit para magtagumpay. 


Alam kong malayo pa ang lalakbayin ko upang makamit ang aking mga pangarap. Magiging posible ang lahat ng ito sa gabay ng Maykapal, maging ang suporta ng aking pamilya, sa aking pagtitiwala at pinanghahawakang pag-asa, mga kaibigan, at mga taong bumubuo sa akin. Titiyakin ko ring hindi mauuwi sa wala ang lahat nang pinagpaguran ng aking mga magulang para madama ko ang edukasyong kalidad, gayundin ang makaranas ng mga bagay na hindi karaniwan sa ibang kabataan. Buong puso kong iaalay ang aking sarili sa pagbabago at paniniwalang mayayakap ko rin ang tunay na kaginhawaan ng buhay. Balang araw, magbabalik ako sa mga nagdaang panahon na mayroong ngiti sa aking mga labi, tanda ng isang maunlad na pagtatapos at panibagong bukas kung saan walang bagay ang hindi maganda. Walang nasasayang sa bawat pagsubok sapagkat ito ay patunay na kailanman ay walang makakapigil sa taong lumalaban para sa sarili at para sa pamilya.