Ang kawalan ng pagkakataon na maituwid ang mga pagkakamali ay isang sitwasyon na kinatatagpuan ng maraming anak sa isang pamilya. Dahil sa nagbabagong ‘uso’ at mga gawaing inaasahan sa isang tao, hindi maipagkakaila na madaling makisabay sa agos na nakapanglilihis ng landas ang mga kabataan. Kadalasan, kapalit ng panandaliang kasiyahan ang tuluyang pagkasira ng sarili, lalong-lalo na ng mga pangarap sa buhay. Ang klasikong kantang “Anak” ni Freddie Aguilar ay naglalarawan sa isang pamilya na minsang sinubok ng mga maling desisyon sa buhay ng kanilang anak. Binigyang diin nito na kayang maglaan ng pagmamahal, pagtanggap, at pagpapatawad ng mga magulang kasabay ng paniniwalang mababago ang nakatakda at unti-unting maitatama ang mapait na kahapon. Pinatunayan ng kantang ito na ang ating mga magulang ang nagsisilbing pundasyon ng ating sarili. Kaya naman bilang mga anak, nararapat lamang na maging responsable tayo sa ating tadhana, dahil ang pagkilala sa mga responsibilidad na ito ay kaakibat ng mapayapang buhay kasama sila.
Walang magulang ang naghahangad na malagay sa masamang karera ang kanilang anak. Sa lahat ng pagsasakripisyo, pagtitiis, at pagpapasakit nila ay nangunguna ang mga bagay na makabubuti sa atin. Sa kabila ng mga hamon sa buhay, layunin nilang ibigay ang kinabukasang angkop sa ating mga pangarap. Ang ating mga magulang ang unang nagparamdam sa atin na tayo ay mahalaga at nararapat na mahalin. Gaano man kasama ang pag-uugali ng isang anak, hinding-hindi magagawa ng isang magulang na talikuran itong tuluyan. Mahalagang maunawaan natin na wala tayo kung wala ang ating mga magulang. Ang natatangi nating sukli sa kanilang pagmamahal ay ang pagiging isang anak na may prinsipyo, isang anak na kayang kumilala ng tama at mali, at higit sa lahat ay isang anak na may pangarap din para sa kanila. Nararapat lamang na pahalagahan natin ang oras at mga pagkakataon na kasama natin sila habang ipinapadama natin kung gaano sila ka-importante sa ating buhay. Habang tayo ay umuunlad at tumatayo sa sarili nating mga paa, huwag sana natin kalimutan ang ating mga magulang na nagsilbing gabay sa malabong daan patungo sa tagumpay.
Isang paalala sa ating lahat na ipagpasalamat ang espesyal na regalo na ating natanggap mula sa unang araw nang tayo ay isilang–sila ang ating mga magulang. Bilang isang anak, matuto sana tayong magpamalas ng pagpapahalaga hindi lamang sa mga materyal na ibinibigay nila, ngunit pati na rin sa pagmamahal na kaloob nila na hindi mahihigitan nino man. Kaya sa bawat pagkakataon, huwag tayong mahiya na magpahayag ng ating pagmamahal sa kanila. Lagi nating isaisip na malaking bahagi ng ating pagkakakilanlan ay binuo ng ating mga magulang, gamit ang diwang pinag-iisa ng pamilyang pinagtibay at hinubog ng pagmamahal.
No comments:
Post a Comment