Dekada ‘70
Ang Orihinal at Kumpletong Edisyon
Ni Lualhati Bautista
Anvil Publishing, 2023 Edition
PANIMULA
A. PAMAGAT
Ang Dekada ‘70 ay hango sa panahong sinubok ng pagbabago sa pamumuhay para sa mga ordinaryong mamamayan maging sa nakaaangat na uri ng tao. Malinaw na sinasalamin sa pamagat na “Dekada ‘70” ang lipunang binuklod ng kapangahasan sa ilalim ng mga alagad ng militar at mga kabataang minulat sa iba’t ibang paraan. Hudyat sa aklat na ito ang laya ng malikhang pagpapahayag sa pormang pasulat, na tuluyang nagpatingkad sa naitalang karanasan na pilit ibinabaon sa nakaraan.
Isang tanaw sa panahon kung saan karaniwan ang madugong pamamahala ng batas militar, na siyang gumising sa nagkakaisang puso na handang magpakasakit habang ipinaglalaban kung ano ang nararapat na trato sa bawat isa, kung anong isyu ang nararapat pagtuunan ng pansin, at kung anong mga hakbang ang magpapabuti sa kalagayan ng bawat pamilyang Pilipino. Sa isang banda, binigyang-tuon din ng aklat ang mga pagkakaiba sa pamumuhay ng mga babae sa mundo kung saan mas dominante ang kalalakihan. Naging makabuluhan ang paglalarawan sa mga karanasan ng isang babaeng tila nawalan ng sariling pagkakakilanlan, ng pagkakataong makamit ang pansariling hangarin, bilang asawa at ina.
Matagumpay na inilarawan sa aklat na ito ang kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng madugong rehime. Binigyang-diin ng “Dekada ‘70” ang buhay na may lumalabang puwersa tungo sa kalayaan at pagkakapantay, ang kahalagahan ng pamilya, maging ang mga pamamaraan upang muling makilala ang sarili, at ang pagtanggap sa umiiral na pagbabago sa loob ng panahon.
B. URI NG PANITIKAN AT GENRE
Ang Dekada ‘70 ay isang nobela ng pangyayari kung saan naging sentro ng aklat ang paglalahad sa mga karanasan ng mga Pilipino animong nakakulong sa diktaduryang pamamahala. Binigyang-linaw ng pagsasalaysay sa unang panauhan ang mga kaisipan at pananaw ng pangunahing karakter na si Amanda Bartolome. Higit na pinairal sa akda ang pag-usbong ng pagtanggap sa sariling pagganap ng bawat Pilipino na karamihan ay naging parte ng pakikipagsapalaran sa pagsugpo ng mga di-makatarungang turing ng militar sa kapwa-Pilipino. Naging malinaw na batayan nito ang mga tunay na kaganapan sa panahon ng martial law kung saan nakibaka ang bawat indibidwal at buong loob na nagkaisa laban sa pamahalaang Marcos.
C. PAGKILALA SA MAY-AKDA
Si Lualhati Bautista ay isang tanyag na manunulat, nobelista, kritiko sa politika, at aktibista na may malaking kontribusyon sa kontemporaryong panitikan ng Pilipinas. Ipinanganak siya noong Disyembre 2, 1945 sa Tondo, Manila. Nagtapos siya sa Emilio Jacinto Elementary School noong 1958, at sa Torres High School naman noong 1962. Sandali siyang nag-aaral ng kursong journalism sa Lyceum of the Philippines ngunit binitawan niya agad ito bago pa man niya matapos ang unang taon.
Sa kanyang pagiging manunulat ay nakatagpo niya ang samu’t saring pagkilala at mga parangal. Iprinisenta niya sa masa ang mga aklat na pinamagatang Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa? (1988), ‘GAPÔ (1988) at Dekada ‘70 (1984) na hanggang ngayon ay kilala pa rin sa publiko. Sa kabuuan ng kanyang karera ay nakatanggap siya ng pagkilala na Gantimpalang Don Carlos Palanca para sa Panitikan ng Pilipinas, maging ang pagkilala mula sa Surian ng Wikang Pambansa noong 1987.
Gamit ang kanyang kagalingan sa paghahayag sa paraang pasulat, naging matingkad ang hangarin ni Bautista na maghikayat ng pantay na pagtingin sa mga kababaihan. Siya ang nasilbing boses ng mga kababaihan sa panahong hindi handa ang lipunan sa lumalabang diwa nila. Hanggang ngayon, siya ay kinikilala bilang inspirasyon ng mga manunulat tungo sa malayang pagsulat lalo na sa mga isyung pampolitika.
PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. TEMA / PAKSA
Malaking bahagi ng nobela ang pagtatalakay sa naging kalagayan ng Pilipinas at matagumpay nitong sinasalamin ang mga tunay na pangyayari noong umiral ang martial law. Binigyang diin nito ang mga tunay na kaganapan sa pamamagitan ng paglalahad sa naging karanasan ng pamilyang Bartolome. Samantala, naging tuon nito ang pagtuklas sa sariling landas sa buhay, ang pagkakaiba sa paniniwala at prinsipyo ng bawat karakter, maging ang kakayahang tanggapin ang kasalukuyang kinahaharap sa kabila ng mga trahedyang sinubok ang katatagan ng bawat isa sa kanila.
Kakikitaan din ng detalyadong paglalahad sa naging buhay ng mga kababaihan noon, habang ginising nito ang kanilang kamalayan na mangarap para sa kanilang sarili. Kaya naman, madarama sa aklat na ito ang mga mapapait na karanasan ng isang pamilya at ng mga mamamayan na nagsilbing liwanag sa katotohanang pilit na itinataboy ng kasalukuyan. Higit nitong ipinahayag ang pagkakaisa ng bawat Pilipino sa panahong ipinagkait ng lipunan kung ano ang nararapat para sa kanila.
B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON
Amanda Bartolome - isang tipikal na ina noong 1970’s na nakatali sa batas ng asawa at sumusunod sa mga kagustuhan nito. Sa kuwento, unti-unti niyang hinayaan ang sarili na tumuklas ng mga ideyang hindi pangkaraniwan sa panahon noon, tulad na lamang ng paghahangad na magkaroon ng sariling katuparan tungo sa maunlad na sarili.
Julian Bartolome Sr. - isang ama na binubuo ng kaniyang mga prinsipyo at paniniwala sa kung paanong paraan nararapat mamuhay ang mga kababaihan sa mundong pinapatakbo ng mga lalaki. Mataas ang tingin niya sa kanyang sarili at lubos siyang iginagalang ng kanyang asawa at mga anak.
Julian “Jules” Bartolome Jr. - ang panganay ng mga Bartolome na unang namulat sa kalagayan ng Pilipinas. Siya ay isang aktibista na kalaunang sumapi sa “New Peoples Army” o NPA.
Isagani “Gani” Bartolome - siya ang pangalawang anak ng mag-asawa na nagnanais na mas maging matagumpay kaysa sa kaniyang ama.
Emmanuel “Em” Bartolome - pangatlo sa limang anak ng mga Bartolome na matapang na naghahayag ng kaniyang pananaw na may pakialam sa politika at nagpapahalaga sa mga Pilipinong hindi natatamasa ang pag-unlad. Isa siyang aktibista na kabahagi ng pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipinong salat sa buhay.
Jason Bartolome - ang kanilang anak na may sariling paraan ng pagsasaya sa kabila ng mga kabiguan. Gaya ng ibang kabataan, biktima siya ng panahon ng martial law.
Benjamin “Binggo” Bartolome - ang bunsong anak ni Amanda at Julian na lumaking may pakialam sa bansa. Saksi rin siya sa mga pinagdaanan at mga karanasan ng kanilang pamilya.
TAGPUAN
Ang tagpuan sa kwento ay ginanap sa tirahan ng mga Bartolome, kung saan nagsimula ang paglalahad ng pang-araw-araw na sitwasyon ng pamilya. Karamihan ng pagpapalitan ng pahayag ay naganap sa pagitan ng mag-asawang Bartolome at ng kanilang mga anak sa loob ng kanilang tahanan. Ito ang pook na nagsilbing pangunahing tagpo sa mga pagkakataong kinailangan nilang mag-ampon ng mga kasamahan ng anak sa kilusan. May mga sandali namang sumaglit ang mga karakter sa ibang lugar, gaya ng bookstore kung saan kinita ni Amanda ang kaniyang anak na si Jules upang magpaalam sa ina, sa presinto kung saan dinalaw ng mag-anak si Jules nang ito ay makulong, ay ilan sa iba pang tagpuan sa kwento.
PANAHON
Isang tanaw sa panahon ng martial law ang aklat na ito at binigyang buhay ng panimulang kabanata ang araw ng pagpapatupad nito. Idinetalye kung paano nagsimula ang pagpapatupad ng diktaduryang pamamahala na nagpalakas sa pwersang militar at naging sanhi ng pang-aabuso sa kapangyarihang iginawad ng pamahalaan. Ang kwento ay sinimulan sa taong 1972, ang taong idineklara ang martial law na sinundan ng pagpapawalang-bisa sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Habang nagwakas ang akda sa kalagitnaan ng taong 1981, ang taong pagtatapos ng diktadurang Marcos.
C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA
Magaan ang paglalarawan sa mga ideya ng akda at masusi nitong inilahad ang layunin ng may-akda sa kuwento. Madaling maunawaan ang ipinapahayag sa bawat kabanata dahil sa paraan ng pagsulat nito. May mga pagkakataon nagpapalit ng ginagamit na lengguwahe ang may-akda upang higit na maunawaan ang mga terminolohiya sa wikang Ingles dahil walang direktang salita ang katumbas nito sa Filipino. Naging mabisa rin ang paraan ng paggamit ng mga matatalinhagang salita sa paraang mahihinuha agad sa kasunod na pahayag ang kahulugan nito.
Gumagamit din ito ng iba’t ibang ekspresyon upang mapayabong ang ideyang nais na ipahiwatig ng bawat karakter. Mula sa detalyadong paglalarawan hanggang sa malikhaing pagpapalitan ng pahayag ng bawat karakter, ay matagumpay na binuhay ng may-akda ang mga kaisipang nananalaytay habang ipinapaubaya sa mga mambabasa ang tuluyang pagtuklas sa mga ito. Kaya naman, matagumpay ang pagkilala sa mga pangyayari maging sa mga sitwasyong sensitibo na nagparating ng mga karanasan ng bawat mamamayang Pilipino sa panahon ng martial law.
Natatangi ang estilo ng pagkakasulat ng may-akda dahil ipinamalas nito ang kakaibang porma ng pagsulat, mula sa mga simbolo sa aklat hanggang wikang ginamit. Naging epektibo ang pamamaraang ito upang maaakit ang mga mambabasa na ipagpatuloy ang bawat kabanata, dahilan upang tangkilikin pa lalo ng mga Pilipino ang kanyang akda na hindi maikukumpara sa gawa ng iba pang manunulat.
PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. KAKINTALAN / KAISIPAN
Binigyang-diin sa akda ang kahalagahan ng pagganap ng mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak dahil sa puntong ito ay tumutuklas sila ng kanilang katuparan sa buhay. Naging makabuluhan ang akda dahil masusi nitong naipasa ang mga karanasan na maaaring sinapit din ng mga pamilyang namuhay sa panahon ng diktaduryang pamamahala. Nagkaroon din ng paglalarawan sa nagbabagong pag-iisip ng mga kabataan, lalo na’t sila ang binigyan ng kalayaang umunawa sa mga salik na naging dahilan upang manatili sa mababang uri ng pamumuhay ang kanilang kapwa tao.
Ang pagmamahal sa sarili at bayang sinilangan ang lumitaw sa bawat kabanata, kung saan hinimay ng may-akda ang mga realisasyon na naganap sa bawat karakter. Unti-unti, naging ganap sa akdang ito ang pagiging malaya ng bawat anak sa isang pamilya. Natutuhan ng pamilyang Bartolome na yakapin ang mga limitasyon sa pagtatalaga ng maunlad na kaisipan lalo na sa usaping pampolitika, bagay na hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin sa panahong dapat umaayon lamang ang mga tao sa sinasabi ng gobyerno.
Kahanga-hanga ang ipinamalas na katapangan ng may-akda sa kanyang aklat na naglalaman ng mga makatotohanan at dokumentadong pangyayari sa panahon ng 1970. Sa huli, matagumpay na naipaabot sa mga mambabasa ang tunay na aral ng kuwento–ito ay ang kakayahang humubog ng mga kabataang hindi magdadalawang isip na lumaban para sa sarili at kapwa mamamayan, lalo na sa panahong ginigipit ang mga taong naiiba ang paniniwala sa nakasanayang pag-iisip. Hanggang ngayon ay nagsisilbi pa ring representasyon ng nakaraan ang librong Dekada ‘70 dahil ito lamang ang akda na nangahas maglarawan sa administrasyong binuo ng mga programang nilagay sa mapanghamak na hangarin ang buong bansa.
B. KULTURANG MASASALAMIN
Ipinakita sa nobelang Dekada ‘70 ang mga kulturang Pilipino na hanggang ngayon ay maoobserbahan sa ating mga komunidad. Kumatawan sa tradisyunal na pamilyang Pilipino ang pamilyang Bartolome dahil naipakita nila ang pagmamahal at nagkakaisang puso sa kabila ng nagdaang pagsubok. Pundasyon ng kanilang pamilya ang mga magulang na handang gabayan ang kanilang mga anak sa buhay. Kaya mahihinuha na lumaking may prinsipyo ang mga anak sa ilalim ng pamilyang Bartolome.
Samantala, mahusay ding naipakita sa nobela na sinusukat ang tagumpay ng isang tao base sa kanyang mararating sa buhay. Naging basehan na nito ang edukasyon na nanatiling pangarap na lamang para sa maraming tao. Naipakita rin ang mga mabuting katangian ng mga Pilipino, gaya na lamang ng pagiging magalang at matulungin sa kapwa tao. Malinaw na kinilala sa akda ang mga kalidad na kapuri-puri, at binuhay nito ang magandang imahe ng isang tipikal na pamilya sa panahon ng 1970s.
LAGOM
Nag-umpisa ang nobela sa pagpapakilala sa mga tauhan at binigyang-pansin na ang nagkukuwento na si Amanda ay isang uri ng asawang alipin ng makalumang paniniwala sa tungkulin ng babae at lalaki. Sa una ay hindi niya pinansin ang mga pangyayari sa kanyang kapaligiran subalit nang magsimulang manaig ang damdaming aktibista ni Jules at ang pagka-mapusok ni Gani ay nabahala siya ng lubusan. Unti-unti ay nagkaroon siya ng kuryosidad kung ano nga ba ang dahilan ng ipinaglalabang prinsipyo ni Jules na katagalan nga'y tuluyan nang sumapi sa kilusang kalaban ng pamahalaan. Bunga nito'y nagkaroon ng lamat ang relasyon ng kanilang pamilya. Pati na rin ang iba pang anak na sina Em, Jason at Bingo ay nakaranas ng suliranin bunga ng pamamalakad sa ilalim ng batas militar.
Kalaunan, naganap ang iba't ibang pagsubok sa pamilya Bartolome tulad ng pagkakakulong ni Jules, pag-aasawa't maagang paghihiwalay ni Gani at Evelyn, pagbubulakbol ni Jason sa pag-aaral, pagtatanong ni Bingo sa nangyayari at ang pagiging mapusok manunulat ni Em. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nawalan ang isa sa mga anak ng Bartolome at nagtalo sina Amanda at Julian na halos umabot pa sa puntong maghihiwalay sila. Hindi natuloy ang binalak gawin ni Amanda at nagsilbi itong dahilan upang patuloy na kaharapin ng mag-asawa ang lahat ng suliraning dumaan sa kanilang buhay.
Sa huli, tagumpay na nalagpasan ng pamilya Bartolome ang mga pagsubok at nanatiling buo ang ugnaya't pagmamahal nila sa isa't isa. Kakikitaan ng kahalagahan ng matibay ng pundasyon ng isang pamilya upang makayanan ang lahat ng banta ng problema. Nagsilbi ang nobela bilang makabuluhang halimbawa ng pamilyang Pinoy na kayang lagpasan ang lahat, na atin pa ring maiuugnay sa kasalukuyang panahon kahit na nangyari ito noong Dekada '70.
MGA REAKSYON AT MUNGKAHI
Walang kasing husay ang mga babasahing handog ni Bautista at tunay na walang makahihigit sa kakayahan niyang maghayag sa paraang hahangaan ng mga mambabasa. Isang akda na walang katulad, punong-puno ng aral, na nagbigay buhay sa mapait na alaala ng nakaraang administrasyon kung saan maraming Pilipino ang nakaranas ng pang-aapi at dumaan sa mapang-abusong gawain sa ilalim ng mga taong dapat tinitiyak ang kaligtasan nila. Sa kabilang banda, pinagtibay din ng aklat na ito ang muling pagtuklas ng isang ina sa kaniyang pansariling katuparan sa buhay. Habang malawak din ang paglalarawan sa konsepto ng “perpektong pamilya” na hinubog ng mga pagkakaiba sa paniniwala at mga prinsipyo, na naging daan upang matutuhan nilang sundin ang napupusuang karera sapagkat kinikilala nito ang malayang bersyon ng kanilang sarili.
Natuklasan ko rin sa aklat na ito ang mga pangyayaring nagpalala sa kalagayan ng ating bansa sa panahon ng martial law. Maraming naging hadlang sa pag-unlad ng mga negosyong nanggaling sa atin, lalo na sa sektor ng agrikultura at paggawa, dahil sa mga mapang-abusong dayuhan na nakahihigit ang uri ng pamumuhay kumpara sa normal na Pilipino. Nakapaloob din sa akda ang mga ideyang maituturing na hindi katanggap-tanggap noon. Masasabi kong malinaw na ipinakita ng may-akda ang pagkakahati ng bawat kabanata na nakatulong upang mapagtagpi-tagpi ang mga pangyayaring kinabilangan ng pamilya sa kwento. Napakahusay din ng mga salitang ginamit sa paglalahad dahil mas pinadali nito ang paglalarawan sa isip ng mga mambabasa.
Tunay na ang “Dekada ‘70” ay isang nobelang makabayan. Binuhay nito ang diwang nagmamahal sa lipunan at sa mga taong kinabilangan nito. Ipinakita rin sa nobela na walang katulad ang mga Pilipino, lalo na’t sila ay may paninindigang matatag pa sa bato. Nagkaroon ng mahusay na paglalahad sa mga hamon na pinagdaanan ng isang pamilya, habang sinasalamin rin nito ang kalayaan ng mga anak na tumuklas ng kanilang sariling katuparan sa hinaharap. Kaugnay nito, naging maingat rin ang may-akda sa pagsasama ng mga sensitibong paksa sa mga kabanata. Nagawa niyang ilahad ang mga ito sa paraang sensitibo, na kakikitaan ng mga mambabasa ng angkop na paglalathala. Kasama rin ang paglalarawan sa mga kababaihan bilang taong-bahay lamang, maging ang mga pananaw na hindi kanais-nais ay maayos na nailahad.
Ang kabuuang nilalaman ng nobela ay tunay na kapupulutan ng aral at magsisilbing alaala sa ating mga namumuhay sa kasalukuyan–na mapalad tayo na mabuhay sa panahong tapos na ang diktaduryang pamamahala. Ang Dekada ‘70 ay patuloy na maghahayag ng mga layunin nito sa publiko at ito ay ang pagiging mulat sa nangyayari sa lipunan at ang kahandaang ialay ang sarili para sa mas maginhawang pamamalakad. Dahil sa mga adhikaing inukit ng mga mamamayan, nakamit natin ang malayang kinabukasan na para sa lahat.