Thursday, January 2, 2025

Sulatin Blg. 5 - Kung hindi ukol, hindi bubukol

    Sa pagsisimula ng bagong taon, minumulat tayo ng panibagong pananaw at mga layunin sa buhay. Habang may malaking kaibahan ang pagpupumilit sa ipinagkakaloob ng Maykapal, tiyak na mas karaniwan sa atin ang humiling nang humiling sa paniniwalang sa pagdating ng panahon ay mapapasaatin ito. Pinatunayan ng kasabihang, “kung hindi ukol, hindi bubukol” na sa punto ng ating buhay ay makakaranas tayo na magpalipas ng oportunidad o ipagpaliban ang paghahangad ng mga bagay na nais nating makuha dahil hindi iyon ang nakatakdang mangyari para sa atin. Sadyang puno ng sorpresa ang buhay na tinatahak ng bawat isa sa atin, kaya hindi na bago ang mag-akala na makukuha natin ang mga ito. Maituturing na ang kasabihang ito ay isang makabuluhang pahiwatig na nagpapaunlad sa ating kakayahan na tumanggap ng mga pagkabigo na maaring mangyari sa buhay tungo sa matatag na pagsulong sa panahon ng mga pagsubok.


Malinaw na hindi lahat ng mga nais nating mangyari ay matutupad dahil ang lahat ng ito ay kinakailangang sumalang sa makamundong posibilidad. Hindi sa lahat ng oras ay pabor sa atin ang tadhana. Kadalasan, mapipilitan tayong bumitaw sa mga pangarap na pinipilit nating maabot dahil salungat ito sa nakatakda nating makuha. Ang kahandaan na maghintay at kakayahang tumanggap ng mga mapapait na pagkakataon ay isang tanda ng maunlad na pagtingin sa lahat ng bagay. Kahit na walang katiyakan ang mga kaganapan sa ating buhay, nararapat na ituring natin ang mga ito bilang hakbang tungo sa mga oportunidad na maglalagay sa atin sa kaginhawaan. Kaya naman, matuto tayong magpamalas ng positibong pananaw lalong-lalo na sa mga panahon na sinusubok tayo ng buhay.


Isa lang ang ipinapahiwatig ng kasabihang ito. Kahit dumaan pa tayo sa butas ng krayom, walang magbabago kung pinipilit nating makuha ang hindi nakatakda para sa atin. Sa ngayon, mahalaga na hindi tayo magmadali upang makapaglaan ng sapat na oras sa pagpapahinga at mag-ipon ng lakas sa panibagong hamon. May tamang oras ang lahat para sa mga ibig nating mangyari sa buhay. Sa pamamagitan nito, magiging mas malinaw ang ating inaasahan lalo na sa mga oportunidad na darating sa atin. Habang binabaybay ang malawak na karagatan ng mga di-tiyak na pagkakataon, maging bukas sana tayo sa pagtanggap at huwag matakot na tanggapin ang pait ng mga naglahong oportunidad dahil may tamang landas na kaloob sa atin ang tadhana, na ating matutuklasan sa tamang panahon.

No comments:

Post a Comment