Higit sa lahat ng uri ng mga may buhay ang isang tao dahil ito ay may kakayahang makapag-isip, makadama, at makapagpahayag ng saloobin. Tinutukoy sa kasabihang “madaling maging tao, mahirap magpakatao” ang kakayahan ng isang tao na gampanan ang kaniyang mga layunin sa buhay sa paraang nararapat, base sa itinakdang pamantayan ng lipunan. Kung titingnan sa malawakang saklaw, maiuugnay ito sa mga pagpapasya na isinasagawa ng isang tao batay sa kakayahan nitong pumili sa panig ng tama o mali. Nalalagay tayo sa maraming sitwasyon kung saan sinusubok ang ating moralidad at mga prinsipyo. Malinaw na hindi lamang pinag-uusapan ang kabuuang pagpapakahulugan sa salitang ‘tao’ dahil kaakibat nito ang mga gawaing susubok na magreresulta sa pagsibol ng mabuting kalikasan nito.
Sinisikap ng isang indibidwal na tuklasin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pakikipagkapuwa. Minumulat tayo ng mga pagkakaiba at nagsisilbi itong impluwensya upang mabago ang ating pagtingin sa iba’t ibang aspeto ng sitwasyon. Nakakamit natin ang malayang pagpapahayag ng mga pansariling saloobin at tinutulungan tayo nitong maging mapanuri at maging matalino sa lahat ng oras. Dito pumapasok ang pagpapakatao, na kinikilala ang pananagutan dahil ang tao ay may kalayaan, may konsensiya, at higit sa lahat ay may panindigan. Sukatan nito ang pagmamalasakit sa iba, ang buong pusong paglalaan ng sarili para sa kapwa, ang kahandaang ialay ang sarili para sa bayan. Nagiging batayan din nito ang kakayahan nating magpahalaga para sa lahat. Kaya mahihinuha na may angking hirap ang pagpapakatao dahil may iilan sa atin ang pinipiling maging makasarili, ang gumawa ng mga bagay na ikapapamahamak ng iba, ang mapilitang yumakap sa maling gawain.
Sa ngayon, nagsisikap ang bawat isa na humubog ng mga kabataang kaya pagsabayin ang pagiging tao at ang pagpapakatao. Nagsisimula sa tahanan ang paunang ideya at pamamaraan para sa kamalayan na magpapaunlad sa kabuuang kaalaman ng isang bata na hatid ang matalinong pag-uusisa. Mahalaga na kahit sa simpleng pamamaraan ay magawa nating magpakatao sa ating kapwa upang maipagpatuloy ang mabuting kondisyon ng ating komunidad. Nararapat nating tandaan na hindi lamang tayo para sa ating sarili, kundi para rin sa iba pang tao. Mabuhay sana tayo nang may dangal at paninindigan para sa ating sarili at para sa ibang tao.
No comments:
Post a Comment